Opisyal nang ipinahayag na ang Deped Region 1 ang host region at ang Schools Division Office of Candon City ang host division sa National Kick-Off Program ng 2024 National Teachers Month (NTM) na gaganapin sa ika-5 ng Setyembre sa Candon City Arena, Candon City.
Isang karangalan para sa Dibisyon ng Candon City ang maging host sa isang national event , kaya’t sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Gemma Q. Tacuycuy inumpisahan na ng SDO Candon City ang paghahanda upang masigurado ang kaayusan ng programa.
Nagkaroon din ng pagpupulong via Zoom ang lahat ng mga kasapi sa Technical Working Group (TWG) ng central office, regional office at division office ngayon araw, Agosto 14 upang mapagplanuhan nang lubos ang mga gawaing isasagawa at mapaghandaan na rin ang nalalapit na pagdiriwang.
Pinangunahan ni Director Margarita c. Ballesteros ng DepEd International Cooperation Office ang nasabing pagpupulong.
Bumisita rin kahapon, Agosto 13, si Regional Director Tolentino G. Aquino sa Dibisyon ng Candon upang masigurado ang kahandaan ng SDO Candon City.
Tinatayang aabot sa apat na libong mga guro mula sa iba't ibang rehiyon ang dadalo kasama na rin ang mga opisyal ng DepEd.
Isa rin sa mga inaasahang panauhin sa National Kick-off ng National Teachers Month ay si DepEd Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara.
Layunin ng programang ito na bigyang-pagpapahalaga ang mga guro, pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, at ang pagtutulungan ng komunidad para suportahan ang mga guro.
Ang selebrasyon ay isang mahalagang pagkakataon para sa mga guro at sa buong komunidad na magkaisa at ipagdiwang ang kahalagahan ng edukasyon sa ating bansa.
Teksto: M. Tejano, MCAD
